Narito na! Yehey! Ang 100 TALIPANDAS Board Exam TIPS. 20 Chapters of (useful) tips you might not want to miss. (Wala nang intro-intro…)
Sana makatulong. Enjoy!
I
1. Dapat big deal sa ‘yo ang pagkuha ng Board Exam. Kung may isang bagay ka na talagang gustong makamit, karirin mo at seryosohin. Applicable din ‘yan sa marami pang bagay, hindi lang sa Board Exam.
2. Kung ano ‘yung mismong hiniling mo, ‘yun lang din ang pinaka-posibleng okey na matatanggap mo. ‘Wag kang umasang mas mataas pa dun ang pwede mong makuha. Sa totoong buhay nga (in general), kung ano ‘yung pinangarap natin, mas mababa pa dun ‘yung nakukuha natin.
3. Tingnan mo na lang ‘yung mga nangarap maging topnotcher, tamang pasado lang. Paano pa kaya ‘yung mga taong “pasado lang” ang tina-target?
4. Ibig sabihin, hindi masama kung paminsan-minsan eh magtataas ka ng standards sa pangangarap.
“ A man content to go to heaven alone will never go to heaven. “
- Anicius Manlius Severinus Boethius
5. ‘Wag mong paliitin ang tsansa na babagsak ka. Kundi, palakihin mo ang tsansa na papasa ka. Magkaiba ‘yun.
II
6. [Application for Board Exam]
Mas mahirap pa nga, sa tingin ko, ang “mag-aaply para sa exam” kesa sa “mismong pag-e-exam.” Talagang nakakapagod ang mag-ayos ng requirements para sa Exam Application. Hindi tulad sa actual exam, kahit kinakabahan, nakaupo ka lang.
7. Talipandas wild theory:
May mga anak si Satanas na empleyado ng PRC. At kadalasan, sa iba’t ibang mga counters ini-a-assign ang mga demonyong ito. Beware, baka sila ang matsambahan mong mag-entertain sa ‘yo.
8. Siguruhing kumpleto ang requirements bago pumunta sa registration. Sayang ang oras mo kung mapapauwi ka lang ng wala sa oras. Lalo na kung sobrang haba ng ipinila mo tapos pauuwiin ka lang pala.
9. Hindi ko na iisa-isahin kung ano ang mga kakailanganin mong dalhin, sapagka’t ina-announce naman ‘yun. Ang hindi lang ina-announce ng PRC ay kung gaano kalupit ang mga taong mag-a-assist sa registration.
10. Kahit kumpleto na ang mga requirements na dala mo, may pag-asa pa ring mapauwi ka ng wala sa oras. Mag-ingat at baka ang matsambahan mong nasa counter ay obsessive-compulsive at sobrang metikuloso.
11. Maghanda ng sapat na extrang pera. Siguradong kapag may kulang kang requirements ay tiyak na kekelanganin mo ang serbisyo ng mga illegalista at mga kapitalistang mapagsamantala, na nasa tabi-tabi lang at hindi mahirap hanapin. Mag-ingat sa mga manloloko at mananamantalang katulad nila.
12. Hindi ko na iisa-isahin kung anu-ano pa ang mga dapat mong gawin, dahil ina-announce naman ‘yun ng PRC. Isa pa, magkakaiba ang proseso ng application sa iba’t ibang propesyon.
13. Isa lang ang sigurado ko: naglipana ang mga demonyo sa Exam Application. Kaya ‘wag kang magugulat kung bigla mong makita si Satanas at ang kanyang mga alagad na pakalat-kalat. Minsan nasa counter sila nakaupo, hindi mo pa alam. O ‘di kaya’y nagtitinda ng pekeng notaryo at cedula. O ‘di kaya’y nagma-may-ari ng litratuhan na doble o triple ang halaga ng mga larawan.
III
14. [Panahon ng pagre-review]
Be WISE (Wonderer, Inquisitor, Skeptic, at Enquirer) in a positive manner. ‘Wag mo nang itanong, may kinalaman ang apat na salitang ‘yan sa pagtatanong.
15. Ang ibig sabihin ng nasa number 14, kung hindi ka marunong magtanong, dapat mo nang matutunan ang Art ng Pagtatanong. Papayag ka bang manatiling maging tanong na lamang ang mga katanungan sa isip mo?
16. During the review period, ilista mo sa papel ang lahat ng gusto mong itanong. Para walang kawala. Isipin mong mabuti ang lahat ng bagay na gusto mong mahanapan ng kalinawan at kaliwanagan.
17. Lahat ng pwedeng pagtanungan, tanungin mo. Key words: lahat ng pwede lang.
18. ‘Yun lang mga taong alam mong makakatulong sa’yo ang tanungin mo. Sayang ang oras mo kung pati batang tindero ng sampaguita eh tatanungin mo ng kung anu-ano tungkol sa photosynthetic capability ng phytoplanktons. Iwasan din ang magyabang ng mga alam mo kung kani-kanino. Walang pakialam ang isang basurero kahit pa alam mo kung paano ang tamang pagbigkas ng salitang “DEPOT” at “DESCARTES.”
19. Magtanong ka lang. Walang masama kung paminsan-minsan eh tatanggapin mong marami ka pa talagang hindi alam. Kahit kumlawde pa ang pangalan mo. Malay mo dahil sa pagtatanong-tanong mo eh maubos mo ang mga possible questions na pwedeng lumabas sa Board exam.
20. Magtanong ka nang magtanong. Pero, pipili ka rin ng taong mapagtatanungan. Kahit ‘yung mga bagay na alam mo na, subukan mo pa ring itanong sa mga kasama mong nagre-review. Just for the heck of it. Malay mo, baka magkaroon pa kayo ng isang intelektwal na usapan. Malay mo rin, mali pala ang alam mo. At least maa-agapan mo agad at maitatama. Kung ang ibang tao naman ay “alam ang tamang sagot pero mali ang alam na paliwanag” may tsansa kang mai-korek sila kung ang alam mo namang sagot ay suportado ng katiwa-tiwalang references.
21. Sa mismong araw ng exam, ‘di ka na pwedeng magtanong sa katabi mo. ‘Yun eh kung ayaw mong masuspinde ng ilang taon. Pwede kang magtanong sa proctor mo na lang – ‘wag mo lang itatanong kung magkano ang sweldo n’ya para lang bantayan kayo.
22. ‘Wag kang titigil sa pagtatanong hanggang bago dumating ang Exam Day. Dahil kahit kelan, hindi natin malalaman kung kelan OPISYAL na natatapos ang pagre-review at ang paghahanda mo para sa Board Exam.
23. [Sa mismong araw ng exam]
Bago ka tumapak sa examination room, dapat may-sagot na ang lahat ng mga tanong sa isip mo. ‘Wag nang mag-entertain ng iba pang tanong.
24. [Ilang oras/ ilang minuto bago pumasok sa exam room]
Kapag narinig mong nag-uusap ang mga co-examinees mo tungkol sa isang topic na very unfamiliar sa iyo, ‘wag mo nang tangkain pang makialam. Magugulo lang ang isip mo. Tandaan mo, hindi na ito ang oras ng pagtatanong. Ipagdasal mo na lang na sana hindi sila lalabas sa exam.
25. Once in a lifetime opportunity ito, pare ‘ko. Hindi na pwedeng ulitin (maliban na lamang kung bumagsak ka) kaya kelangang magsikap nang mas maigi para maging mas maganda ang resulta. Dapat masulit mo ang minsang paghihirap.
IV
26. [Matutong mag-compromise at mag-prioritize]
I-prioritize ang pagkuha ng Board Exam above others. Hangga’t maaari lang naman. Tsaka pansamantalang kompromiso lang, hindi habambuhay.
27. Kung kakagraduate mo lang at hindi ka pa required na magtrabaho agad, ‘wag munang isipin ang paghahanap ng trabaho. You can’t serve two masters at one time ‘ika nga. Pwede siguro, pero ang tanong ay kung kaya mo bang maging excellent pareho sa pagtatrabaho at pagrereview. Hindi ako naniniwalang pareho ang galing na maibibigay mo sa dalawang bagay na pinagsasabay.
28. Para ‘yang love story ng mga salawahan. Kapag pinili mong pagsabayin full-time ang pagta-trabaho at ang pagre-review, pinatataas mo ang tsansa na “magtampo” ang alinman sa kanila, opwede ring pareho silang “magtampo” sa ‘yo. ‘Yung pagtatampo na ‘yan, pwede namang ayusin. Pero hindi na ganun kaganda pagkatapos maisaayos.
29. [Konsepto ng kompromiso]
Kapag target mong mag-top talaga sa Board Exam, kelangan lie low ka ng kaunti sa trabaho. Ang mangyayari, hindi na ganun ka-excellent ang outputs mo sa trabaho. At kapag naman madami kang deadlines sa trabaho at pinagtuunan mo ang mga deadlines na ito, sira din ang focus mo sa pagre-review.
30. I-prioritize muna ang pagkuha ng Board Exam versus trabaho. Pero kung ikaw ay breadwinner at kailangan na talagang kumita ng pera, doble-kayod ka dapat. Lalo na kung ikaw lang ang inaasahan sa inyo, at gusto mo nang kumuha ng exam. Pero sabi ko nga, ang pag-prioritize ng pagre-review para sa Board Exam ay pansamantala lang.
31. Kung hati ang atensyon mo sa trabaho at review, hindi nangangahulugan na wala ka nang pag-asang mag-top. Kahit hindi mo matutukan ng full-time ang pagre-review, ayos lang. Kaya nga naimbento ang konsepto ng “inborn talent” at swerte, ‘di ba? Basta’t pilitin mong maisingit sa busy sked mo ang pagre-review.
32. Kung ikaw ay kasalukuyang nagtatrabaho na, at nagnanais nang kumuha ng Board Exam, mas mabuting mag-leave muna sa trabaho. Gaya nga ng sinabi ko kanina, pansamantala lang naman. Pero kung “no choice” ka at kelangan mong pagsabayin sila (ang review at ang trabaho), wala namang problema. Ang hangad ko lang naman ay mas gumaan ang buhay mo, wala nang iba.
Palagi rin nating tatandaan na laging may exceptions. Sadyang may mga taong gifted na magaling sa lahat ng bagay, kahit pa sabay-sabay ang kanilang mga responsibilidad. Malamang sila lang ang gising nung umulan ng swerte at biyaya; habang tayong lahat ay mahimbing na natutulog at nananaginip ng pera.
V
33. [Ang esensya ng pagpapahiram at pagbibigayan.]
Matutong magpahiram ng reviewer kahit binili mo pa ‘yan sa halagang isang-libo. ‘Wag kang magpapa-uto sa kasabihan ni Thomas Hobbes na “Man by nature is evil.” Ganito na lang ang isipin mo: Nagkataon lang na walang pambili ang isang taong nanghihiram.
34. ‘Wag mong isipin na walang-konsensya ang mga taong manghihiram ng review materials mo. Ipahiram mo kung ano ang meron ka, nang walang inaasahang kapalit. Bonus na lang ‘yun kung halimbawang ipahiram ng nanghiram sa ‘yo ang mga exclusive references n’ya. Malay mo rin, dahil sa kagandahang-loob na ipapakita mo sa kanya, bigla n’yang ituro sa ‘yo ang trade secrets ng Coke.
35. ‘Wag mong ipagdadamot ang mga reviewers mo. ‘Wag kang dupang, ganid, at gahaman sa references. Hindi mo rin naman makakain lahat ng ‘yan. At siguradong hindi mo rin maiintindihan lahat ng nakasulat dyan. Refer to number 11.
36. Manghiram ka ng madaming reviewer hangga’t ‘sigurado kang lahat ay mababasa mo. Pero kung hindi mo rin lang kayang bigyan ng pagkakataon na mabasa lahat ng reviewers mo, patawarin ka. Hindi po paramihan ng koleksyon ang labanan dito.
37. Kung madamot kang magpahiram ng reviewer, ipagbili mo ang reviewers mo. Bakit hindi? Kahit magmukha kang kapitalistang ewan, may bibili’t bibili d’yan. May matutulungan ka pa. ‘Di mo lang alam, maraming mayayaman d’yan na meron ngang pambili pero wala namang mapagkukunan ng epektib na review materials. Kaya kung sadyang hitad kang kapitalista, samantalahin mo ang kahinaan ng mga mayayamang nangangailangan.
38. Manghiram at magpahiram nang walang ibang kondisyon. Kung ini-isahan ka lang pala nila, okey lang. Tandaan ang Jesus Christ Rule: Kapag sinampal ka sa kaliwang pisngi, ibigay mo na rin ang kanan. Magandang panuntunan pa rin ang paniniwala sa good at bad karma. Alalahanin din ang kwento ni Rizal at ang inanod n’yang tsinelas.
VI
39. Lone wolf ang tawag sa mga taong iniiwasan ang pagdamay at tulong mula sa ibang tao. Don’t be the lone wolf. Hindi ka suicide bomber.
40. ‘Wag kang umasang kakausapin ka ng reviewer mo. Kung may hindi ka alam, ipagtanong mo. Hindi pwedeng hindi ka magtatanong kasi maraming subjects sa reviewer na ‘yan ay talagang hindi mo kabisado. May mga tanong d’yan na kahit mag-research ka pa ng isang linggo eh hindi mo mahahanap ang eksakto at pinakamadaling sagot.
41. Ang pag-aaral ng solo hanggang dumating ang araw ng paghahatol ay “big no-no.” Mas maganda kung kahit isang beses ay makaranas ka ng isang group review.
42. Kung tamad kang magbasa, isa lang ang sagot d’yan: sumama ka isang grupo ng matatalino. Siguro naman may mga kaibigan kang matalino. Gamitin ang tenga kung tinatamad ang mata. Kapag tinatamad din ang mata, wala na tayong magagawa. Mas mabuting itulog mo muna ‘yan.
43. Kapag tamad na tamad kang mag-review mag-isa, sumali sa group review. Palitan mo ang settings ng utak mo sa “record mode” bago magsimula ang group discussion. Makinig sa magaganap na discussions at i-absorb mo na parang isang oportunistang ispongha ang lahat ng kaalaman na lumulutang sa kalawakan.
44. [Sa group review]
Sikapin mong makilahok sa diskusyon kahit na tinatamad kang mag-isip at magsalita. Matutong makisama at makibahagi. Masamang magpaka-ispongha nang sobra. Baka tumagas lang din ang lahat ng kaalamang nakuha mo, kagaya ng isang normal na ispongha pagkatapos mapiga. Mas lalong wala kang pakikinabangan.
45. Sa group discussion, ‘wag kang AK (all-knowing). Kung alam mo namang mali ang ideas mo, ‘wag mong ipagpipilitan. Alam mo ba na technique lang ‘yan ng mga abogado? Kung alin ang mas malakas na argumento, ‘yun ang mananalo, kahit pa mali. Kung malakas kang makipag-argumento pero mali-mali ang mga alam mo, papatayin mo lang ang pangarap ng mga kasamahan mo. ‘Wag mong putaktehin ng polusyon ang dalisay na utak ng ibang tao.
46. Kung hindi ka aware na mali ang ipinaglalaban mong sagot sa isang group discussion/review, buksan mo ang common sense mo. Kung anim kayo sa grupo at napansin mong lima sa kanila ay kumokontra sa ideas mo, baka nga nasa ‘yo ang problema. Tanggapin mo ‘yun. Oo nga, may maliit na tsansa din na BAKA tama ka. Pero kung sadyang hindi kayo magkasundo sa isang tema o isyu, mabuting i-konsulta sa mas eksperto ang topic na pinaglalabanan n’yo.
47. Bagama’t malaki ang maitutulong ng group review, ‘wag kang mawawalan ng oras para sa self-review. Sa mga panahong hindi ka pwedeng samahan ng mga kaibigan mo sa pagre-review, tulungan mo ang sarili mo.
48. Kailangan mo ang ibang tao para maipaintindi sa ‘yo ang ‘di mo maintindihan. Kailangan ka rin ng ibang tao para mai-share mo naman sa kanila ang expertise mo sa mga subjects na mas may alam ka at mas kabisado mo.
VII
49. Pilitin ang sariling magbalik-loob sa library. Kahit isang beses sa isang linggo. Malaki ang magiging tulong nito sa misyon mo. Maraming naghihintay na sorpresa sa library. Hindi ko rin alam kung ano, sorpresa nga e. Kung doon ka man abutin ng antok, pwede kang matulog kung gusto mo.
VIII
50. [Rest and Recreation]
Feel “U“. [Korni nitong item na ‘to.] Pero totoo, ‘wag mong i-deprive ang sarili sa mga mahahalagang “U”. Huwag kalimutang mag-Unwind, mag-Unlax, mag- Unstrain, at mag-Unbend… Feel U. (F.U. )
51. I-treat ang sarili sa bawa’t magandang pangyayari na may-kinalaman sa pagre-review. Tapatan ng magandang pahinga ang ibinigay na parusa sa sarili. Bumawi ng tulog kapag napuyat sa pag-aaral.
52. Kung manginginom ka, gawin mong “reward sytem” ang pag-inom ng alak. Kung sa tingin mo maganda ang nangyayari sa review mo, i-treat ang sarili ng ilang bote. Kung hindi ka naman satisfied sa nagiging resulta ng review mo, parusahan ang sarili at kalimutan muna ang bote.
53. Kung ikaw ay sadyang alcoholic, ‘di mo kailangang alisin sa lifestyle mo ang pag-iinom. Sa totoong buhay, posibleng totoo ‘yung pelikula ni Jackie Chan na may mga “drunken masters”. Lumalabas ang galing Kapag nalalasing. Pero dahil hindi biro ang pagkuha ng Board Exam, bawas-bawasan mo ang “alak-singko” habit. Kung dati ay pitong beses ka sa isang linggo kung uminom, gawin na lamang itong isa hanggang dalawang beses sa isang linggo.
54. Manood paminsan-minsan ng National Geographic Channel, Animal Planet, Sineskwela, at Knowledge Channel. Baka may aksidente kang matutunan na pwedeng magamit sa exam. Kung hindi ka mahilig d’yan, manood na lang ng balita. Malaking tulong din ang current events. Malay mo biglang ibalita sa TV na ia-abolish na pala ang Board Exam para sa propesyon mo.
IX
55. Matutong mangarap. Pero mag-ingat sa pangangarap.‘Wag mangangarap ng leakage. Sabi nga sa isang kanta: “Be careful what you wish for. ‘Cause you just might get it all. Then some you don’t want.” Paano kapag may sira-ulong nagregalo sa ‘yo ng leakage? At binasa mo. At nag-top ka sa exam? Kaya mo kayang ipagyabang ‘yun? Siguro oo, sira-ulo ka nga e. In the first place, bakit ka nag-leakage? Hindi ba sira-ulo lang ang kayang gumawa nun?
56. Tuwing bago ka magre-review, itanim mo sa isip mo na magta-top ka sa pinaghahandaang exam. Kung hindi mangyari? So what. Ikaw lang naman ang nakakaalam. At least nag-try ka. At least pumasa ka.
57. Mangarap ka ng mataas, ‘wag ‘yung “basta pumasa lang.” Kung ganyan lang kababa ang pangarap mo, ‘di mo na kelangan mag-aral. Ang apat na taon o mahigit pa ay sapat na para matantya mo ang maaaring maging mukha ng isang Board Exam. Bakit ka pa magpapakahirap mag-aral kung ang objective mo ay pumasa lang?
58. Kung mangangarap ka, paka-taasan mo na. Langit ang subukan mong abutin. Para kung ikaw man ay lumagapak, hindi ka kaagad sa lupa pupulutin. Sa mga ulap muna ang iyong bagsak.
59. Malaki pa rin ang papel ng pinagsamang lakas ng sikap, sipag, at swerte sa magiging kalalabasan ng exam mo. Syempre napaka-laking tulong ‘yung mismong mga natutunan mo nung nasa kolehiyo ka pa. Meron nga ba?
X
60. Kung hindi ka honor student nung college ka (i.e. hindi ka cum laude o ano), ibig sabihin hindi ka gaanong pressured sa kung anuman ang kalabasan ng exam mo. Hindi rin mataas ang expectations ng mga magulang mo at ng ibang tao — kasi nga Commoner ka.
61. Okey, hindi mataas ang expectations ng mga tao sa ‘yo — Ito ang perpektong tayming para pagsikapan at pangarapin ang anumang posisyon sa top-ten. Pagsikapan mong ma-sorpresa ang lahat sa natatagong kakayahan mo (kung meron ka mang naitatago).
62. Kung commoner ka ta’s ipinangako mo sa sarili na papasa ka, panghawakan mo. Paano? Siguro makakatulong kung babasahin mo itong 100 tips ko. Then silence the skeptics beybeh.
63. Kung commoner ka na nangangarap mag-top, pagsikapan mo. Kapag nalaman ng iba na nangangarap kang mag-top, malamang pagtawanan ka nila. Sila ang mga skeptics mo. Alalahanin mo ang mga naging laban ni Pacquiao kina Barerra, Morales, Marquez, Diaz, dela Hoya at Hatton — gawin mong inspirasyon ang ginawang pagpapa-tahimik ni Pacquiao sa mga doubters n’ya. Silence the skeptics beybeh.
64. Kung commoner ka ta’s nangarap mag-top at mabigo, okey lang. Walang madi-disappoint. Walang magugulat. Wala nga rin sigurong umaasa. Bakit? Commoner ka, remember? Walang mawawala sa pangangarap ng mataas. At kung magkataon na maka-tsamba ka, swerte. Malaking packaging tape pa ‘yan sa bibig ng mga taong sa iyo’y walang-bilib.
XI
65. Karamihan sa mga Board Exams ay multiple choice. At kung hindi mo alam ang itsura ng answer sheet, subukan mong tumaya sa lotto. Malaking version ng lotto card ang answer sheet sa Board Exam namin noon. Magse-shade ka rin, gamit nga lang ang lapis. Pag-aralan mo ang tamang diin at stroke sa pagse-shade ng mga letra. ‘Pag na-master mo na ang “art of shading”, tataas din siguro ang tsansa mong pumasa sa Board. May comparative advantage ang mga adik tumaya sa lotto. Sa pagse-shading nga lang.
XII
66. Magdasal ka. ‘Wag kalimutang magdasal. Lalapit ang Haring Swerte sa ‘yo kung alam n’yang harmless ka at hindi ka bad. Seryoso. Hindi masama ang magdasal nang taimtim at taus-sa-puso paminsan-minsan. Subok na ‘yan ni PacMan at Aling Dionisia.
67. Magdasal ka. Lumapit ka kay Lord. Matutuwa ‘yun kapag naalala mo Siya. Alam n’ya ang tama at ituturo n’ya kung ano ang tama mong gawin. Hindi tulad ni Satanas—alam lang n’ya lang ang tama pero hindi n’ya ginagawa.
68. Magdasal ka kay Lord. Magdasal ka na tulungan ka n’yang maging disiplinado sa pagre-review. Magdasal ka na sana palaging maging malusog ang katawan at utak mo.
69. ‘Wag mong ipagdadasal na sana ituro ni Lord sa ‘yo ang mga tamang sagot. Pandaraya ‘yun. Idadamay mo pa si Lord. Leakage lang ang hinahanap mo kung ganun — si Satanas ang mas pinaka-magandang lapitan kung ‘yun din lang ang hihingin mo.
70. ‘Wag mong isiping natutulog ang Diyos Kapag hindi napagbibigyan ang mga wishes mo. Hindi Siya para ibigay sa ‘yo ang lahat ng gusto mo. Hindi Siya nandyan para gawin kang spoiled.
XIII
71. Sa mismong oras ng exam, mag-panic ka. Sige lang ka. Feel the heat. Feel the nerves beybeh. ‘Wag kang magmadali, mahaba naman ang oras. Enjoy mo lang ang palpitation, ang vibration, ang shaky motions. Namnamin mo ang pakiramdam ng kaba at lasapin ang pintig… Hanggang masanay ka sa pakiramdam ng nagpa-panic.
72. Hindi ako naniniwalang walang-katapusan ang lintek na kabog sa dibdib na ‘yan. Naniniwala akong napapagod din ang kaba. At kapag unti-unti nang nagiging payapa ang pakiramdam mo, makakapag-focus ka na. Kasi pagod na ang daga sa katatakbo d’yan sa loob ng dibdib mo.
XIV
73. Asahan mong may mabibilis matapos sa pagsagot ng exam, kahit pa gaano kakapal ang questionnaires na pasasagutan sa inyo. Sadyang ganun. Kung lahat ng tao parehong mabibilis, hindi maganda ‘yun. Kelangan talagang may “magmukhang mahina” para may “maglakas-loob” at “mag-astang malakas.”
74. Alam mo ba kung bakit may mga mababagal at may mabibilis sa pagsasagot? Kasi ‘yung iba sobrang relaks, sila ‘yung mabibilis magpasa ng papel. ‘Yung iba naman sadyang ipinaglihi sa pagkabalisa, taranta at pag-aalala — sila ‘yung mga mababagal magpasa ng papel. May mga mababagal ding sumagot dahil sobra sila kung mag-double check at maniguro ng mga sagot nila.
75. Kahit mabilis kang makaintindi ng mga tanong, ‘wag kang magmadali sa pagsagot. Make the most out of the freaking allotted time. Bibilib ako sa ‘yo kung mabilis kang makakapag-pass ng papel, pero panandalian lang. Mas bibilib ako sa ‘yo kung “maganda” ang resulta ng iskor mo sa exam. At habambuhay pang paghanga ‘yan.
76. ‘Wag magmamadali. Ano’ng iminamadali mo? Once in a lifetime mo lang kukunin ang exam na ‘to. Pag-isipan mo ang lahat ng sagot mo hanggang sa maubos mo ang oras. Kalimutan mo munang mainipin ka. Tandaan mo: hindi mo na pwedeng ulitin ang exam na ‘to kapag pasado ka na.
XV
77. [During the actual exam]
Fight the Bad B’s. Don’t be bugged, besieged, beleaguered, or badgered by outside forces. Paki-tingnan na lang sa dictionary ang meaning ng mga B-words na ito para mas maintindihan mo. Para sa susunod na magsusulat ka ng essay na English, pwede mo na silang magamit.
78. Labanan ang Bad B’s na tinukoy sa item 77. ‘Wag kang papa-apekto sa anumang ikikilos ng kapwa mo examinees. Kung isa-isa man silang matapos at magsi-alisan, ‘wag mong pansinin. Dahil kung bibilangin mo lahat ng lumalabas sa loob ng exam room, kasabay nilang aalis sa isip mo ang mga formula na pinaghirapan mong isaulo.
79. ‘Wag mong isipin kung ano na ang kalagayan ng ibang mga kasama mo. ‘Wag mo na ring pakialaman kung ano na ang nangyari sa mga kasama mo. Hindi mo rin naman sila matutulungan. Hindi ka rin nila matutulungan. Kanya-kanya muna kayo dito.
80. Sarili mo muna ang isipin mo. Huwag mong isiping may naghihintay na sa ‘yo sa labas. Maawa ka naman sa daga na kanina pa takbo nang takbo dyan sa dibdib mo. (See item number 72.)
81. ‘Wag ang mga tao sa loob ng room ang bantayan mo. Sarili mong relo ang dapat na binabantayan mo. Karapatan mong ubusin ang oras na nakalaan dahil binayaran mo ito.
82. Kung mag-isa ka na lang na nag-eexam sa loob ng kwarto, so what. ‘Wag mong pansinin ang mga naiinip na proctor na kanina pang naghihintay sa ‘yo.
83. ‘Pag pinakitaan ka ni Proctor ng suggestive look na wari’y nagsasabing, “Ang slow mo naman, iho. Saang kawawang school ka ba nanggaling?” Gantihan mo rin ng isang suggestive look [bahala ka na kung anong mensahe ang gusto mong iparating.] Then proceed sa pagsagot.
XVI
84. [Ang kahalagahan ng pagkain.]
Bago pumunta sa exam room, kelangang may laman ang sikmura. Hindi rin siguro masamang sumunod sa pamahiing ito: ‘Wag mag-uulam ng dinuguan kung ayaw mong duguin ang resulta ng exam. Pero kung gusto mong mag-ulam ng kalabasa, okey lang siguro. Hindi ka naman siguro mangangalabasa kasi pampalinaw pa nga ‘yun ng mata.
85. Kung gusto mong mag-top, mas mainam kumain ng TAPsilog, o anumang may halong Tapa, o kahit anong pagkain na may prefix na Tap-… ‘Wag ka magta-Tapuy. Ireserba mo ang Tapuy para sa post-Board exam celebration.
86. Pero syempre, ang pinaka-mabuting tip at mahigpit na PAALALA sa lahat: huwag mag-e-exam nang walang laman ang tiyan. Huwag mag-eexam ng gutom.
XVII
87. [Tungkol sa Review Center]
Kung wala kang kakayahang mag-avail ng formal review sa isang review center, walang problema. Tandaan mo, malaking bagay pa rin ang mga natutunan mo nung nasa kolehiyo ka pa. ‘Yan eh kung may natutunan ka nga.
88. Kung wala kang sapat na allowance, ibadyet mo na lang ang pera mo para sa apartment at sa pagkain. ‘Wag kang magpapabiktima sa isang maling kompromiso. Aanhin mo naman ang sandamakmak na reviewer kung kumukulo ang sikmura mo? Masisira lang ang focus mo kung lagi kang mag-aalala tungkol sa pambayad mo ng renta sa apartment.
89. Maling-mali ang itinuturo ng komersyal ni Manny Villar na nagsasabing “Di bale nang magdildil ng asin, basta may sariling bahay.” Mali ‘yun. Hindi masustansya sa utak ang asin. (Maliban na lang syempre kung iodized.) Tsaka bakit ka magdidildil ng asin kung may kakayahan ka namang pumili ng masarap na kakainin habang nakatira sa isang komportable at abot-kayang housing unit? Teka, ba’t ko ba naisingit ito?
90. Di mo kelangan ng isang formal review kung tamang grupo naman ang sasamahan mo (Refer to VI- 39 to 48). Di mo rin kelangan ng formal review kung nakinig kang mabuti noon sa teacher mo na mala-ibong darna ang boses habang nagtuturo. Di mo rin kelangan ng formal review kung desidido ka talagang makamit ang inaasam-asam mo. Marami pang ibang paraan, kagaya ng pagbebenta ng kaluluwa sa impiyerno. Pero ‘wag mong gagawin ‘yun. May iba pang paraan.
91. Bago magtapos, dapat malinaw tayo dito: Kung may kakayahan kang magbayad para sa isang formal review/ review center, mag-avail ka. Samantalahin mo ang pagkakataon. Advantage mo ito dahil mas professional ang pagtuturo at mga pagbibigay ng tips sa isang formal at organized na review. Pero ‘wag aasa lamang sa formal review. Kelangan mo pa ring tulungan ang sarili mo sa pamamagitan ng self-review.
XVIII
92. Lahat ay pantay ang tsansa para bumagsak. Sapagka’t hindi tunay na sukatan ng talino ang Board Exam. May mga matatalino ring bumabagsak sa exam. Paano nga naman kung ang lahat ng pinili mong pag-aralan ay hindi lumabas sa exam?
93. Lahat ay may pantay na pagkakataon para mag-top sa Eam. Sapagka’t hindi lahat ay may sapat na panahon para makapag-aral at makapaghanda para sa Board Exam. Minsan, madalas, ‘yung iba ay sinuwerte lang dahil halos lahat ng pinag-aralan nila ay lumabas sa exam.
94. ‘Wag kang matakot na baka bumagsak ka. Halos lahat naman nakaramdam ng ganyan. Lahat, inisip din na baka bumagsak sila. Kadalasan nga, ‘yung mga sobra ang tiwala sa sarili pa ang bumabagsak. Kaya ‘wag pakasisiguro.
95. Harapin mo ang katotohanan, anuman ang kalabasan ng exam mo. Ikaw naman ang may-gawa n’yan, bakit ka matatakot sa isang bagay na ikaw mismo ang may-gawa?
96. May tsansa kang pagandahin ang magiging resulta ng exam mo. Sa exam, bibigyan ka ng sapat na oras. Sapat na oras para burahin at palitan ang mga inaakala mong maling sagot, ayon sa diskarte mo. Alam mo ba kung bakit medyo mahaba ang ibinibigay na oras sa exam? Ewan ko. Siguro para maisingit mo naman kahit papaano ang pagdadasal kahit sa kalagitnaan ng exam.
97. Dalawa lang ang pwede mong kahantungan: ang pumasa o ang bumagsak. Syempre, ang mga nagta-top ay pasok sa kategorya ng pumasa.
98. Pantay ang tsansa na ikaw ay babagsak o papasa. Dalawa lamang ang maaaring ginagawa natin: pinapalaki ang tsansang pumasa, o ‘di kaya’y pinapaliit ang tsansang bumagsak. Sabi ko nga kanina, magkaiba ang dalawang ‘yun.
XIX
99. Kung bumagsak ka sa Board Exam, isipin mong minalas ka lang. Hindi ako naniniwalang may bobo. Sa susunod na magte-take ka uli ng Exam, i-print mo na lang kaagad ang 100 TALIPANDAS TIPS at basahin nang mas maaga. Baka swertehin ka na. Hehe. Isa lang ang tanong d’yan: Gusto mo ba talaga ang ginagawa mo, o hindi? Baka napipilitan ka lang kasi kailangan mong gawin?
XX
100. Anuman ang mangyari, ituloy mo lang ang dapat mong gawin. Hangga’t may oras na natitira, may pag-asa. Madaming pag-asa. Wala kang ibang kalaban sa Board Exam, sarili mong laban ito kaibigan. Lisensya ang belt na pinapasungkit dito, wala nang iba. Laban hanggang sa huling hininga. Yeh ba!
__________________________________________________________________________
Read the rest of this entry »
LATEST COMMENTS