Noong ako’y estudyante pa, lagi kong kinakaharap ang mga stereotype impressions na magiging isa raw ako sa mga ‘promising destabilizers’ ng gobyerno. Sa tuwing malalaman ng mga tao na estudyante ka sa UP, hindi imposible na maging easy victim ka ng mga bansag gaya ng ‘aktibista.’
“Aktibista ka ‘no? O, aktibista o, itsura pa lang o.”
Feeling naman masyado ‘tong mga ‘to, sabi ko na lang sa sarili ko. Malaman lang nila na doon ka pumapasok, akala ata e tama na agad ang hinala nila.
Meron pang magbabansag sa iyo ng ‘militante.’
“Ahahaha, militante. Hulaan ko kung kelan ko makikita sa diyaryo ang pangalan at litrato mo. Alam mo ba ang mga nagyayari sa mga aktibista? Binabalatan sila nang buhay.”
Hindi po, hindi naman lahat ng nag-aaral do’n nagiging gano’n. Noon po siguro ‘yun pero ngayon hindi na, nasasabi ko na lang.
Pero ang totoong nasa isip ko ganito: Anlakas magbintang at mang-alaska ng bulateng ’to, e mas mukha naman s’yang taong bundok kesa sa akin.
Biruin mo, napilitan pa ako na pagbintangan ang mga estudyante noon mapatigil ko lang sa pagti-trip ang hinayupak na kausap ko. Noon po ‘yun… hindi na ngayon. Kinailangan ko pang idamay ang mga taong maaaring namamahinga na para lang patunayang iba ako sa mga taong binabanggit ng bulate.
Ang isa pa sa mga kritikal na salitang maririnig mo ay ang paghahalintulad sa iyo sa salitang ‘bundok.’ Hindi mahirap sa kanila na maikabit ang bundok o pamumundok dahil sa pagiging UP student mo.
Bukod pa rito ang pagiging Forestry student ko na talagang hinahasa sa kagalingan sa siyensya ng gubat at paggugubat. Pero hindi naman alam ng karamihan na ‘yon ang kurso ko.
E nagkataon pang nagpahaba ako ng buhok noon. Matagal akong hindi umuwi ng probinsya kung kaya ang naiwan ko pang imahe sa pamilya e batang Santo na may hawak na Globo.
Umuwi ako ng probinsya; mahaba na ang buhok ko talaga nung panahong ‘yun, kulot at nanunuyo dahil sa napakainit na klima. Hindi agad nila ako nakilala sa bahay pagdating ko. Pero dahil may teoryang “lukso ng dugo” nakilala nila ako nang walang ka-thrill thrill, hindi kagaya ng inimadyin at inekspek ko. Ganoon daw talaga yung “lukso” o “LND”, kilala ka pa rin nila mag-iba man ang itsura mo — tumaba ka man, tumanda, gumanda, o pumayat, bumigay ang pagkalalake o nagparetoke ng mukha. Ganun din daw kapag nakatagpo ka ng kamag-anak na hindi mo pa nakikilala, likas na may LND na nagaganap. Pero ano’ng gagawin mo kapag nakasalubong ka ng taong-grasa tapos namalayan mong unti-unting lumalakas ang tibok ng dibdib mo, ta’s nakaramdam ka ng init at pagkasabik nang ‘di mo maintindihan, habang nagtatama ang mga mata n’yo?
Okey. Back to da topic.
‘Yun. Noong makita nila ako, parang may kakaibang telephatic na mensahe ang titig ng tatay ko sa akin. Pakiramdam ko ay nangungusap ang mga mata n’ya. Tila ba nais n’yang sabihing, “Sige, anak mamundok ka. Magkita na lamang tayo sa engkwentro. Sige, lumaban ka at makipagpalitan ng putok sa taong nagpalaki at nagpaaral sa ‘yo.” Nakonsensya ako bigla. Hindi naman s’ya nagsalita o anuman. Praning lang ako kasi guilty ako sa pag-iibang anyo ko, dahil stereotype nga ng isang rebelde ang long hair look.
Grayscale mode tayo. Noong elementary days ko kasi s’ya lang talaga ang naggugupit sa akin. May mga hairstyle choices ako pero ang totoo e manghuhula lang ako kung alin sa mga sumusunod ang magiging resulta ng session: nand’yan ang gupit-bunot (coconut husk-cut), gupit-bao (coconut shell-cut), at kung anu-anong gupit kahit kita na ang anit sa tindi at lupit ng pagkaka-ahit. At dahil likas na walang talent ang tatay ko sa paggugupit at mas sanay s’yang humawak ng iba’t ibang kalibre ng baril kesa bumalasa ng isang magaan na gunting, maraming pagkakataon na nauuwi sa pagkalbo ang hairstyle ko.
Buti na lang hindi ko naisipang magrebelde noon at magpahaba ng buhok sa ilong.
Noong hayskul naman ako, hindi na ako ginugupitan ni Itay, nagpapagupit na ako sa iba. Isa ‘yun sa mga unang kalayaan na natamasa ko. Pero ganun pa rin, may restrictions pa rin sa pagpapahaba ng buhok. Kailangan kasi sa school ay gupit-malinis ka. Noong senior year ko, umabot na sa sukdulan ang pagmamalupit nila sa ulo ko, laging 4×4 na ang gupit ko hanggang grumadweyt. Ahit ‘yun na halos isang dangkal ang agwat ng buhok sa tenga. Mababanggit mo na lang sa sarili mo, sus! nag-iwan pa ng kaunting itim sa ulo. Okey. Tinatapos ko muna ang pagbabalik-tanaw na ito.
Balik tayo sa pag-uwi ko sa probinsya. Dahil feeling ko e may nais iparating na mensahe ang “natural tiger looking eyes” ng aking ama, naisipan ko ring mag-trip. Sinuklian ko ng telephatic reply ang mensahe n’yang ipinadala telephatically. Medyo tiningnan ko s’ya sa mata nang matagal, mga dalawang segundo at tatlong milliseconds. Ang ninais kong sabihin ay ganito: “Mas maigi na ‘tong nagpa-long hair ako, kesa naman ang nasumpungan n’yo ay umaaming bading ang anak n’yo.” Bago pa man maging successful ang sending message ko ay umalis sa eksena si Itay para maghanda ng makakain ko. Naputol ang Bluetooth signal. No reaction lang si Itay.
Maya-maya pa, tumayming uli ako ng isang sulyap pa. This time, one-second look ang alloted time ko para shurbol. Pinaltan ko ‘yung kaninang telephatic message ko. Ganito naman ‘yung bago kong mensahe: “Mas maigi na ‘tong nagpa-long hair ako, kesa naman mag-drugs ako.”
Tinanong ko ang sarili ko kung bakit hindi marunong magbigay ng atensyon si Itay sa isang napaikling mensahe ng anak. Napatunayan kong hindi nga totoo ang telepathy. Imbento lang ‘yan ng mga gustong sumikat sa larangan ng pagbabasa kuno ng isip.
Pulis ang tatay ko. Ramdam ko naman na tanggap n’ya kahit pa maging aktibista ako at maging kalaban ng gobyernong pinagsisilbihan n’ya balang araw. Ang masaklap nito, hindi nga ako aktibista.
Nakarinig na ako, nakabalita at nakabasa ng mga kwento, balita, at usap-usapan tungkol sa mga ‘sinawimpalad’ na tao – silang mga nataguriang kolumnista este komunista, rebelde at miyembro ng NPA, ayon na rin sa pagkakabalita ng media. Sabi pa nga sa ibang mga nabasa ko, mga napagkamalan lamang sila at pinaslang nang hindi man lamang pinakinggan ang panig.
Nakakakalma ring isipin kung bakit kahit hindi ko maunawaan ang pagiging ”kagaya nila” ay solb na ako sa ideya na ayoko nang malaman pa. Dahil kung maintindihan ko, maunawaan, at tanggapin ang pinaniniwalaan at pinaglalaban, malamang mapag-isipan kong lumahok sa kanila. E ang kaso, walang nagtangka na magpaliwanag o mag-educate sa akin noon. Malamang kung meron mang nagtangka hindi ko rin tatangapin. Nagpapasalamat na lang ako at ang mga nakabarkada ko ay hindi mga aktibista. Kung meron mang underground aktibista sa kanila, hindi sila ‘yung outspoken type.
Aminado rin ako na hindi ko talaga alam ang tunay na pagiging aktibista. Pero mas nakakahiyang aminin na guilty ako sa pagiging walang-pakialam maski sa mga simpleng isyung panlipunan o di-kaya’y kahit mga isyung pang-unibersidad.
Mas naging interesado kasi ako noong estudyante pa ako sa pag-aaral pag-inom, paggigitara, pagpapagutom, pagtulog-tulog, paninigarilyo, pagpapalobo ng sipon, paglalaba, pangangarap, pagpupuyat, paglalaro sa kompyuter ng iba, pagsisisi sa mga bagsak na subjects, pag-aalala sa dumaraming absences, paghihintay ng himala, pag-aabang ng mabagal na pera mula sa magulang, panghihiram ng lecture notes para sa darating ng exams, pagtakas sa realidad, at panonood ng Koreanovela series sa TV. Kahit nga pagboto sa University Student Council ay binalak kong hindi na makialam kasi masyado na akong overloaded sa mga nabanggit na aktibidades. Kung ‘yung mga simpleng bagay lang masyado ko nang pinoproblema, ‘yun pa kayang problema ng bansa?
Hindi ko nga kilala ang mga Cabinet Members. Hindi ko rin kabisado ang Philippine Constitution. Hindi ko kilala ang mga tao sa Kamara. Kasi mas pinili ko mag-alala sa mga babagsaking subjects ko noon na hindi ko rin naman inaasikaso dahil sa hindi valid na mga kadahilanan. Nagtataka ka siguro kung anong klase’ng buhay ko noong estudyante pa ako: hindi palaaral at hindi rin naman pumasok ng aktibismo. Actually, mas pinili ko ang buhay ng isang monumento. Wala rin palang buhay ang monumento.
Ilan lamang ‘yan sa mga dahilan kung bakit hindi ako nagkaroon ng panahong magkainteres sa mga isyung panlipunan. Madali ring sabihin na hindi ako nagtataglay ng pusong aktibista. Kung tatanungin mo ako, ang mga nakikita ko lamang na mga ginagawa ng mga aktibista ay ‘yung magtutumpuk-tumpukan, papasok sa bawa’t kwarto upang maghikayat ng suporta, sisigaw sa megaphone at babatikusin ang mga mali sa institusyong nasasangkot sa usaping tinatalakay nila.
Siguro ‘yung pakikialam sa mga maling pamamalakad ng unibersidad, okey ‘yun sa akin. Keri pa, ika nga ng bading sa EDSA. Pero ‘yung pakikialam na tumatalakay sa isyung panlipunan at pambansa, hindi ko pa makakaya. Subukan ko mang sumali sa kanila, marami akong nag-uusbungang mga alinlangan. Unlimited na excuses. Hindi ko nga alam ang ugat ng mga pinaglalaban. Ni ang resources nila para maipagpatuloy ang mga pinaglalaban hindi ko alam kung saan nila nakukuha at papaano nila sinu-sustain, paano na ang mga pinaglalaban kung kahit personal budget para sa bisyo ay wala sila? Kung sumali ako, hanggang kelan kaya ako naging “makabayan?” O kung magtagal ako at kumukupas na ang pagkamakabayan nang hindi ko nalalaman, hanggang kelan kaya ako naging kasali sa grupong walang-hanggang nakikipaglaban?
Hindi naman siguro tama na kapag bigla kang tinamad magbanat ng litid at makipagpuyatan sa mga gawaing may-kinalaman sa ipinaglalaban e bigla kang aayaw. Hindi naman maaari ‘yung mang-iiwan ka na lang sa gitna ng init ng pakikibaka.
Ang mga tanong na ganito ang makakapagpatunay na hindi ako kailanman magiging kwalipikado sa pagiging aktibista. Maaari lamang akong maging talipandas sa tingin ng tiwaling gobyerno at maging sa tingin na rin ng mga makabayan. Wala akong kakayahang magpasakop ng buo sa anumang sistemang umiiral. Oo, kamukha ko lang si Martin Luther King, pero nagkakamali kang mag-akala na pareho kami ng utak.

Martin Luther King, Jr.
Pero alam n’yo ba na binibigyang-kahulugan ng Wikipedia ang blogging bilang isa sa mga porma o anyo ng aktibismo? Eto’ng excerpt mula sa Wikipedia:
Blogging can sometimes have unforeseen consequences in politically sensitive areas. Blogs are much harder to control than broadcast or even print media. As a result, totalitarian and authoritarian regimes often seek to suppress blogs and/or to punish those who maintain them.
In Singapore, two ethnic Chinese were imprisoned under the country’s anti-sedition law for posting anti-Muslim remarks in their blogs.
Egyptian blogger Kareem Amer was charged with insulting the Egyptian president Hosni Mubarak and an Islamic institution through his online blog. It is the first time in the history of Egypt that a blogger was prosecuted. After a brief trial session that took place in Alexandria, the blogger was found guilty and sentenced to prison terms of three years for insulting Islam and inciting sedition, and one year for insulting Mubarak.
Egyptian blogger Abdel Monem Mahmoud was arrested in April 2007 for anti-government writings in his blog. Monem is a member of the banned Muslim Brotherhood.
After expressing opinions in his personal blog about the state of the Sudanese armed forces, Jan Pronk, United Nations Special Representative for the Sudan, was given three days notice to leave Sudan. The Sudanese army had demanded his deportation.
In Myanmar, Nay Phone Latt, a blogger, was sentenced to 20 years in jail for posting a cartoon critical of head of state Than Shwe.
In the Philippines, there’s this blogger named the Professional Heckler, but the authorities can not do anything to him. Maybe the Gov’t subconsciously considers that there’s nothing wrong in accepting the truth albeit they really hurt, especially when someone becomes a causal agent for the hurt but that person do not actually create the hurt. The main reason actually why the Professional Heckler is not well noticed by the Palace is that he’s just one of the many million bloggers who are ”GMA nonbelievers.”
Sa tingin ko, ang aktibismo sa blogging ay nakasalalay sa purpose o layunin ng nagme-maintain ng blog. Kung tahasan kung magbatikos ang isang blogger sa mga tiwaling opisyal sa pamahalaan, ay tawagin mo s’yang aktibista. S’yempre, ang aktibismo ng isang lathalain ay nakadepende pa rin sa panlasa (at humour) ng mambabasa, lalo na sa mga taong tinatamaan at nagrereact sa mga blog entries kung saan guilty sila.
Marami tayong maaaring matutunan sa mga halimbawang ‘yan. Ibig sabihin napakahalaga ng layunin at kaukulang pananagutan sa pagkamit ng layunin. Lahat ng kilos natin ay may kaakibat na pasanin, responsibilidad, tungkulin, paninindigan, at dalahin. Hindi pwedeng wala wala lamang ang lahat. Kung paano mong pinaniwala na seryoso ka sa harap ng iba, ‘wag mo silang bibiguin sa pag-amin na hindi ka pala seryosong talaga. Kung tinatawag mo ang sarili mo na aktibista, dapat alam mo ang lahat ng BAKIT sa iyong pagiging aktibista. Lahat ng tanong na may bakit ay dapat nasasagot mo nang mabilis at walang pag-aalinlangan. Kung duwag ka, hindi ka papasang aktibista.
Ang anumang bagay na pinapasok natin ay maaaring makapagdulot ng alalahanin at pagkabahala kapag hindi natin pinanindigan. Ang keywords dito ay pananagutan at katungkulan. Kahit mga nagti-trip d’yan sa sulok ng kadiliman, alam nila ang konsepto ng paninindigan. ‘Yung ngang mga kriminal na ang trip ay mang-reyp o pumatay, handa silang magpa-posas at humimas ng rehas anumang oras. S’yempre, mas safe na ‘yung magpa-reyp kesa magsimula ng reyp. Pero hindi ko ini-encourage ang paggawa ng masama. Hindi ko rin pino-promote ang kasabihang, “Di bale nang magnakaw kesa mamakla.”
Kung tunog Machiavellian man ako, ‘yun ay dahil Machiavellian talaga ako. Pero kung Machiavellian ka rin, isama mo sa prinsipyo mo ang mga kasabihang “anumang labis ay masama” at “anumang masamang bagay ay masamang gawin.”
Isa lamang ang madaling tandaan: hindi masama ang maging duwag kesa lumaban ka nang hindi ka naman sigurado kung kaya mong magtagal hanggang katapusan. Kung kaya mo bang makipaglaplapan kay Mahal kapalit ang kasikatan e… teka… ‘wag mong gagawin ‘yun, utang na loob, kahit pa sira-ulong Machiavellian ka.
Kung bakit hindi ako naging aktibista, patawad. Naging totoo lang ako at may respeto sa sarili.
F.OBSN/15 April 2009

STOP the Killings!
PBA09psp630n



Aktibista naman talaga ang marami sa atin, ngunit kubli nga lang. Di naman kasi rally at sigaw lang ang batayan ng pagiging aktibista. Lahat tayo humihingi ng pagbabago.
Hi, nice post. I have been wondering about this topic,so thanks for posting. I’ll certainly be coming back to your blog.
May mga tao talangang hindi likas na expressive sa kanilang nararamdaman. Pero kahit ganon, alam natin sa ating mga sarili kung ano ang pinapaniwalaan natin at doon tayo nakaugat – hindi nasusukat kung ilang rally ang nasamahan mo at kung ilang beses ka nagpakapaos sa kasisigaw ng ipinaglalaban mo. May kani-kahiya tayong pamamaraan.
Hindi rin ako lantarang aktibista pero alam ng mga taong malalapit sa akin kung ano ang aking pinaninidigan. Besides, ako yung tipong hindi mukhang aktibista. Pero pare, mukha ka nga talgang aktibista. Rakenrol!
Congrats pala sa blogsite mo, keep on sharing. XD
isang dambuhalang kurikong sa isip ang kayang mapalabas ng kanyang mga nilikha.
ikaw ang aking tagapagligtas..
sagipin mo ako sa init ng katawan na aking nararamdaman ngayon.
ooohhh….. aaaahhh…
Hindi ko alam kung sadyang hitad ka lang o ano. Pero salamat sa pagbisita. Sa susunod po na dadalaw kayo dito, tamang “dresscode” po ang aking maipapayo. May pagpapahalaga po tayo sa etiketa dito kahit papaano. Hehe.