MAPAGPALAYANG PAGBATI AT PAGKILALA SA ATING MGA BAGONG MAGGUGUBAT!
Sa mga nagawang mapagtagumpayan ang hamon ng Board Exam – Congratulations sa inyong Lahat. Ganap na kayong mga Propesyunal na Maggugubat.
Samahan n’yo naman akong harapin ang panibagong hamon: ang kakulangan ng pagkakataong makapagtrabaho nang naaayon sa idinidikta ng ating napiling Larangan. Sing-ilap ng buhay-ilang ang trabahong angkop para sa atin sa panahon ngayon; subali’t tayo’y sapat ang karanasan para sa pagsubok na katulad ng ganitong paghahanap.
(Excuse muna sa topic na ‘to ang mga mag-e-MS o mag-aaral ng Law. Trabaho na kaagad ang ating pag-usapan.)
‘Wag nawa nating biguin ang kolehiyong nagkanlong sa atin, naghulma, at nagbigay ng eksklusibong kaalaman na matatawag nating “atin.”
Ngayon, hindi na lang pambihirang kaalaman ang iyong bitbit; may titulo ka na ring inaangkin. Hindi dapat d’yan magtatapos ang lahat… Pero bago pag-usapan ‘yang pagtatapos na ‘yan, dapat kang magsimula. Ang mga kaalamang pag-aari mo ay dapat mailagak sa “tamang” mga gawain at layunin. Higit sa lahat, ang mga natutunan mo sa apat na taon (o higit pa) ay nararapat na magamit. Dapat magamit.
‘Wag mong sasayangin ang mga kasanayang natutunan mo sa paggawa ng IBANG mga bagay — mga bagay na hindi deserving sa iyong exceptional na pagpapaka-hirap at colossal na pagpapaka-pawis. ‘Wag mong hayaan na mauwi lang sa kangkungan ang malaki mong panalo sa pinaka-madugo mong laban. Tandaan mo: nasa sa iyo na, hawak-hawak mo na ang pinaka-aasam-asam mong Lisensya– isang bagay na para sa iba ay mananatili na lamang pangarap.
BAKIT KA NGA PALA NAGPAKA-HIRAP PANG KUMUHA NG LISENSYA KUNG HINDI MO RIN LANG PALA BINABALAK NA GAMITIN S’YA NANG TAMA?
Natatangi ang maging isang Maggugubat. Sapagka’t kabilang ang propesyong ito sa mga kursong hindi kilala. “Ano ka nga ba talaga?” Marami at maraming magtatanong sa ‘yo kung ano nga ba ang iyong ginagawa. At oo, mababaw ang mga denotasyon at konotasyong ating natatanggap. Pero ikaw, na isang Maggugubat, alam mo na ang Paggugubat ay hindi lang tungkol sa halaman, puno, gubat, o bundok lang. Mahaba ang nakahandang paliwanag natin para d’yan. Nguni’t nakakatuwa’t nakakalungkot, na ang tanging makakaintindi lang ng ating nakahandang paliwanag, ay ang mga katulad mo ring Maggugubat at propesyunal.
Nawa’y hindi tayo lumihis ng landas sa kung paanong tayo’y hinugis para maging; at kung bakit tayo’y hinulma para saan. Pero napatunayan kong sadyang may kadiliman ang landas patungo sa ating kapalaran.
Kung isa kang baguhan sa propesyon at hindi ka pa handang makipagsapalaran, maaari kang lumakad MUNA sa ibang landas kung saan mukhang mas maliwanag at mas madaling makipagsabayan. Adjustment phase. Sapagka’t ang daan na nakalaan para sa ‘yo ay hindi pa naaayos. Kung takot ka pang maglakad nang mag-isa upang galugarin ang sarili mong tadhana, makat’wiran sigurong makiraan muna sa daanan na pinanday ng iba.
Muna.
Alalahanin mong ang daanang iiwan mo pansamantala ay tanging sa iyo lang din naka-reserba. Kahit malimutan mo s’ya, makasisiguro kang may mababalikan ka, anumang oras na maalala mo s’ya bigla. At sa pagbabalik mo, asahan mong hindi pa rin s’ya sementado, ikaw pa rin ang mag-aayos ng dadaanan mo. Propesyunal ka na, ‘di ba? Hindi ka na bata na dedede na lang ng gatas na timplado na.
Isang sentenaryo na ang nakakaraan mula nang maitatag ang ating Kolehiyo (1909-2009), pero ang mga lugar na atin pa lamang pupuntahan – mga lugar na nag-aabang para sa atin – ay mayroon pa ring kasukalan.
Mas masarap ngang maglakad sa mga lugar na mas maliwanag – kung saan marami ang dumadaan, kung saan marami kang makakasabay sa paglalakad. Subali’t ‘wag nating hayaan na tayo’y mabulag sa ibinibigay nilang liwanag. May sarili kang daan na naghihintay –- naghihintay ng isang katulad mong may-kakayahang makapagpa-ilaw at maaaring makapagdulot ng makasaysayang liwanag; lalo dun sa mga lugar at mga bahaging hindi pa lubos na nagagalugad. Marami pang kasulok-sulukan ang higit na nangangailangan ng paghalughog at pagkatuklas.
Hindi totoong walang kinabukasan sa iyong napiling propesyon: ang mga natatangi lamang na hindi nakakaintindi nito ay ang mga hindi nagmula sa unibersidad at mga nanggaling sa paaralang nagtuturo kung paano mag-isip ng pabaligtad at mamuhay nang paatras. Mapapatawad natin ang kakitiran ng kanilang kaisipan.
Maaari tayong mawalay sa kanlungan ng ating napiling Disiplina – pansamantala. Pwedeng buwan, taon, o mahigit pa. Marahil ang isang dekada ng pagkakawalay ay maituturing pa ring pansamantala; hangga’t nasa plano mong ikaw ay babalik pa. Dahil ang tuluyang pagtalikod sa sariling pagkakahulma bilang isang Maggugubat ay isang paglimot sa sariling pinagmulan — at ‘yon, sa tingin ko, ang hindi kapata-patawad.
_____________________________________________________________________________________
Isinulat ni Forester Ozzy Boy. Orihinal na isinatitik noong July 9, 2008. Oo, 2008 pa.



dugo ang ilong ko dun ah,di mahukay!
Panibagong bugso na naman ng mga kabaro natin na mamumrublema kung paano makakahanap ng trabaho na nakalinya sa ating propesyon.
one word…deep! mabuhay ang mga naghirap para makamit ang kanilang inaasam (gaano man ito katagal nakuha)! haha!
nice nice. hehe. congrats sa mga bagong manggugubat.